NHA, AGARANG NAGBIGAY NG AYUDA PARA SA 910 PAMILYANG NASUNUGAN SA TAWI-TAWI
- Published on March 3, 2026
- by @peoplesbalita
NAKATANGGAP ng tulong pinansyal mula sa National Housing Authority (NHA), sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya ang may kabuuang 910 pamilyang mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi, na nasira ang mga bahay dahil sa malawakang residential fire na naganap sa Brgy. Lamion, Bongao.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni NHA Region Zamboanga City/Zamboanga Sibugay/ARMM B District Office ang pamamahagi ng cash grant na nagkakahalaga ng ₱9,100,000 sa isang seremonya na ginanap sa MBHTE Gym, Bongao.
Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng tig-₱10,000 halaga ng ayuda para sa pagkukumpuni ng kanilang mga nasirang tirahan. Ang bawat benepisyaryo ay na-screen at na-verify gamit ang data mula sa municipal government unit ng Bongao.
“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang makapaghandog kami ng tulong pinansyal sa mga naging biktima ng sakuna at kalamidad. Ito po ay para makatulong kami sa kanilang pagbangong muli at mabigyan sila ng pag-asa sa buhay,” wika ni GM Tai sa kanyang mensahe.
Bilang tugon, nagpahayag ang mga benepisyaryo ng kanilang pasasalamat sa NHA sa agarang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan, lalo na sa panahon ng pagsubok. Ayon sa kanila, ang tulong pinansyal na kanilang natanggap ay isang malaking kaluwagan upang matulungan silang magsimulang-muli at muling maitayo ang mga tahanan para sa kanilang mga pamilya.
Isa sa mga kasalukuyang programa ng NHA, ang EHAP ay naglalayong magbigay ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad, kabilang ang sunog, bagyo, lindol, pagguho ng lupa, at baha, upang matulungan silang makabangon at muling buuin ang kanilang buhay.
(PAUL JOHN REYES)