PBBM, may pambato na sa 2028 presidential elections
- Published on February 26, 2026
- by @peoplesbalita
MAY napipisil na umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging pambato para sa 2028 presidential elections.
Ito ang sinabi ng Pangulo matapos na tanungin sa ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum na ginanap sa Fairmont Hotel sa Makati City.
Sagot ni Marcos, ang dapat na susunod na lider ng bansa ay may malawak na kaalaman pagdating sa ekonomiya para magkaroon ng maraming trabaho, kung paano maibaba ang inflation at kung paano masisiguro na sapat ang suplay ng pagkain.
Gayundin, dapat na nag-iisip tungkol sa productivity, marunong sa pagpapabuti ng edukasyon, pagpapalakas ng healthcare at sumusuporta sa polisiya na makakatulong sa buhay ng mga Filipino.
“We are about nation-building. I didn’t hear that anymore. So we need to have nation builders, people who want to make Philippines better. People who actually love the Philippines and love Filipinos and want to make things better,” ayon pa kay Marcos.
Sinabi ng Pangulo na mahirap dalhin sa presidential level ang walang karanasan sa pulitika dahil hindi ito kilala ng mga tao kaya ang titingnan nila ay yaong mga nasa gobyerno na nagtatrabaho, magaling, at masasabing “exceptional”.
Giit pa ng Presidente mayroon na siyang mga taong kinokonsidera bilang potensyal na papalit sa kanya subalit tumanggi siyang pangalanan ito at hindi muna siya mag-eendorso sa ngayon.
“Not soon. Timing is everything,” giit pa ni Pangulong Marcos. (Daris Jose)