• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB, NAKIPAGPULONG SA MGA OPERATOR NG BUS AT IBA PANG PUV TERMINALS SA LOOB NG MGA MALL

NAKIPAGPULONG ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangunguna ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, sa mga operator ng bus at iba pang public utility vehicle (PUV) terminals sa loob ng mga mall upang talakayin ang mga kinakailangang pagpapabuti sa pasilidad na maghihikayat sa mas maraming tao na gumamit ng pampublikong transportasyon.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, bahagi ito ng mas malawak na plano sa transportasyon para sa mabilis at maginhawang biyahe ng milyun-milyong Pilipino, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa naturang pagpupulong, binigyang-diin ni Chairperson Mendoza ang mga repormang nakasentro sa pampublikong transportasyon na layong hikayatin maging ang mga may-ari ng sasakyan na iwan muna ang kanilang mga kotse at sumakay sa tren, bus, at jeepney.

“Gusto nating pagandahin ang commuter experience ng ating mga mananakay para hindi na magdala ng kotse at mas piliin nilang sumakay sa pampublikong transportasyon,” ani Chairperson Mendoza.

Kasalukuyang nagsasagawa ang LTFRB ng masinsinang inspeksyon sa mga bus at PUV terminals sa buong bansa, kung saan hindi bababa sa 116 terminal operators ang nabigyan ng show cause orders at notice of violation.

Kamakailan, dalawang operator ng PUV terminals sa loob ng mga mall ang ipinatawag dahil sa kakulangan ng pasilidad para sa mga pasahero, partikular na para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na nagiging mahalagang bahagi na ng pampublikong transportasyon ang mga mall dahil sa pagkakaroon ng ilang train stations at PUV terminals sa loob ng kanilang mga gusali.

“Kailangan nating pagandahin ang mga pasilidad dahil hindi natin mahihikayat ang mga tao na mag-commute kung hindi komportable ang mga terminal. Sa kaso ng mga mall, maaaring iwan ng mga motorista ang kanilang sasakyan sa parking area at mag-commute na lamang,” dagdag pa ni Chairperson Mendoza.

“Ang pampublikong transportasyon ay hindi lamang ang mga sasakyan kundi pati ang mga nakapirming pasilidad. Ang terminal sa loob ng mall ay hindi na simpleng imprastraktura—ito ay nagiging mahalaga kaya’t nakikipag-ugnayan tayo upang mapabuti ang mga pasilidad para sa mas maayos na commuting experience,” aniya.

Dumalo sa pagpupulong ang ilang operator ng mall terminals na nagbahagi ng kanilang pananaw at nangakong susunod sa mga alituntunin ng LTFRB. Ipinahayag naman ni Chairperson Mendoza ang kanyang optimismo na ang mga napag-usapan at rekomendasyon ay maisasakatuparan sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga mananakay.
(PAUL JOHN REYES)