Unang citywide PhilHealth GAMOT Partnership sa bansa, inilunsad ng Generika Drugstore at Valenzuela City
- Published on February 21, 2026
- by @peoplesbalita
INILUNSAD ng Generika Drugstore at Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang kauna-unahang partnership sa pagitan ng isang nationwide drugstore chain at local government unit (LGU) na nagbibigay sa buong lungsod ng access sa mga libreng essential medicines sa ilalim ng Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) Program ng PhilHealth.
Noong Biyernes, sumailalim ang may 600 Valenzuelano sa libreng konsultang medikal mula sa accredited doctors ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth at tumanggap ng libreng gamot mula sa Generika Drugstore, alinsunod sa proseso ng GAMOT Program.
Ayon kay Generika Drugstore President and CEO Adrian Gino Guinto, “todo-todong ginhawa” ang mararanasan nga mga Valenzuelano dahil bukod sa kalidad ng produkto at serbisyong hatid ng Ginhawang Generika, makukuha pa nila ito ngayon nang libre dahil sa programa ng PhilHealth.
Sa ilalim ng naturang partnership, maaaring makakuha ang bawat Valenzuelano ng hanggang P20,000 worth ng libreng gamot para sa mga karaniwang karamdaman basta’t rehistrado sila sa YAKAP, nakapagpatingin sa YAKAP-accredited clinics, at may hawak silang resetang may unique security codes (UPSC). Mangyari lang na ipakita ang reseta sa alin sa mga sumusunod na branch ng Generika Drugstore na accredited GAMOT Provider ng PhilHealth:
● Dalandanan
● Parada Capt. Cruz
● Bagbaguin Mariano
● Gen. T. De Leon
● Malinta Santiago
● Maysan Tongco
● Paso de Blas
● Pio St. Marulas
● Poblacion 1 MH Del Pilar (Polo)
● Veinte Reales
At dahil hanggang 85% ang matitipid sa pagbili ng Actimed Quality Generics, di hamak na mas maraming gamot ang mabibili ng mga YAKAP beneficiaries makumpleto ang inireseta sa kanila ng doktor.
Ikinagalak ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang pagiging bahagi ng Lungsod ng Valenzuela sa partnership na ito at nagpasalamat siya sa Generika Drugstore at PhilHealth para sa tulong nila sa tunay na pagpapaunlad sa kanilang lungsod kung saan walang pamilyang Valenzuelano ang maiiwan.
Iginiit naman ni PhilHealth President and CEO Dr. Edwin Mercado ang kahalagahan ng multi-stakeholder partnerships para maging matagumpay ang mga programang pangkalusugan ng pamahalaan. Aniya, dahil sa mga aktibong partners tulad ng Generika Drugstore at Valenzuela City, makakaasa ang mga Pilipino sa PhilHealth kahit saan o kahit kailan pa sila mangailangan ng tulong pangkalusugan.
Nagpasalamat si Guinto sa mga partner at stakeholder na tumulong para mabuo ang partnership. Kasama ang suporta ng AC Health, inaanyayahan niya ang iba pang local chief executive na sumunod at makipagtulungan para lalong mailapit sa mga pamilyang Pilipino ang ginhawa.
Sa kasalukuyan, 171 branches ng Generika Drugstore ang na-accredit na ng PhilHealth bilang GAMOT provider.