Ilegal seller ng Wildlife, nadakma ng Maritime Group sa operation sa Marikina
- Published on February 21, 2026
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang 45-anyos na lalaki na ilegal umanong nagbebenta ng widelife species sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Maritime Group sa Marikina City.
Kinilala ang suspek na si alyas “Poypoy”, residente sa nasabing lungsod at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 27(e) ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) Chief P/Major Dandy Ferriol Jr., hinggil sa umano’y illegal na pagbebenta ng suspek ng wildlife species kaya ikinasa nila ang entrapment operation laban sa kanya.
Nang iabot umano ng suspek ang isang Ball Python sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng napagkasunduang halaga, kaagad lumapit ang mga operatiba ng Maritime Group sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto si ‘Poypoy’, dakong alas-5:20 ng hapon sa Marikina Heights, Marikina City.
Nakumpiska sa suspek ang isang buhay na Ball Python at buy bust money na ginamit sa operation.
Wala namang naipakita ang suspek ng anumang dokumento o permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpapatunay na siya ay may awtoridad na magbenta at magmay-ari ng nasabing wildlife species.
Ang nasabing Ball Python ay nai-turnover na sa pangangalaga ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ng DENR para sa tamang disposisyon.
Nagpaalala naman si Major Ferriol sa publiko na ang ilegal na pagbebenta at pag-aari ng wildlife species ay may kaakibat na kaukulang parusa sa ilalim ng batas. (Richard Mesa)