• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTFRB MAGSASAGAWA NG PUBLIC CONSULTATION HINGGIL SA OPERASYON NG MGA BUS AT IBA PANG PUV TERMINALS

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na magsagawa ng mga reporma upang mapabuti ang sistemang pampublikong transportasyon sa bansa, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim Giovanni “Banoy” Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), ay magsasagawa ng pampublikong konsultasyon hinggil sa operasyon ng mga bus at iba pang public utility vehicle (PUV) terminals.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nakapagpadala na sila ng mga imbitasyon sa iba’t ibang stakeholders upang mas mapalawak ang talakayan at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon, gayundin ang pagpapabuti ng operasyon ng mga PUV terminal sa buong bansa.

“Ang pampublikong konsultasyon ay pangunahing tatalakay sa mga rekisito at akreditasyon ng terminal. Inaasahan din natin ang masinsinang diskusyon sa pagbabahagi ng mga best practices na maaaring maangkop at maipatupad,” ani Chairperson Mendoza.

Gaganapin ang konsultasyon sa Pebrero 20, 2026 sa LTFRB Central Office, Kalayaan Avenue, Quezon City.

Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza ang kahalagahan ng konsultasyon lalo na’t nagpapatuloy ang mas pinaigting na inspeksyon sa mga PUV terminal na may mga pasilidad na hindi maayos. Batay sa pinakahuling datos, mahigit 240 bus at PUV terminals ang na-inspeksyon at 116 sa mga ito ang natukoy na hindi sumusunod sa itinakdang pamantayan ng LTFRB para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero. Isa sa mga terminal ay nabigyan na ng cease-and-desist order, habang ilan pa ang posibleng mabawi ang kanilang awtoridad na mag-operate.

Kabilang sa mga karaniwang paglabag na natukoy ay:

• Hindi komportableng at delikadong waiting areas
• Hindi gumagana at maruruming comfort rooms
• Kawalan ng aksesibilidad para sa senior citizens at persons with disabilities
• Kakulangan ng sapat na safety at security plan

“Dahil sa dami ng lumalabag, kailangan nating pag-usapan ito at makabuo ng mga hakbang na katanggap-tanggap sa lahat ng sektor—ngunit nakabatay pa rin sa umiiral na mga patakaran at regulasyon,” dagdag ni Mendoza.
“Patunay din ang konsultasyong ito na hindi lamang inspeksyon ang aming pokus, kundi ang paghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang serbisyo sa mga mananakay sa tulong ng iba’t ibang stakeholders, transport groups, at mga kumpanya.”

Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, mahalagang talakayin ito kasama ang mga terminal managers at operators, lalo na’t ang regular na random at surprise inspections sa mga bus at PUV terminals ay magiging bahagi na ng bagong normal.
(PAUL JOHN REYES)