Bumagsak na Piggatan Bridge sa Cagayan ininspeksiyon ni PBBM
- Published on January 8, 2026
- by @peoplesbalita
IBINAHAGI ng Malakanyang na tumungo kaninang umaga, araw ng Huwebes, Enero 8, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Cagayan upang suriin ang bumagsak ng Piggatan Bridge.
Matatandaang nasira ang tulay noong October 6 ng nakaraang taon dahil sa overloading na siya namang nagdulot ng matinding abala sa kabuhayan ng mga residente sa rehiyon.
Kaya naman inaksiyunan ito agad ng pamahalaan, ayon kay Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Mabilis aniya na nakapaglatag ng mga alternatibong ruta para magtuluy-tuloy ang biyahe sa lugar at nagtayo rin ng detour bridge upang gawing pansamantalang daanan habang ginagawa ang tulay na ipapalit sa Piggatan Bridge.
Nagbigay naman aniya ng direktiba si Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin na tama ang disenyo at maayos ang paggawa ng bagong tulay at siguruhing ligtas, matibay, at naaayon sa engineering standards ang ipapalit na tulay.
Samantala, tumungo rin si Pangulong Marcos sa Camalaniugan Bridge upang opisyal na itong buksan sa publiko.
Ang tulay na ito ani Castro ay inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga residente sa lugar lalo pa’t pinagdurugtong nito ang baya ng Aparri at Camalaniugan.
Ang dating isang oras na biyahe aniya ay magiging 20 minuto na lang dahil kapag mas mabilis ang biyahe, mas maginhawa sa mga motorista at mas mabilis din ang daloy ng pag-asenso. (Daris Jose)