PCG, tutulong sa pagbabantay sa Traslacion 2026
- Published on January 8, 2026
- by @peoplesbalita
HANDA na ring tumulong ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagdaraos ng Traslacion 2026 sa Biyernes, Enero 9.
Ayon sa PCG, magde-deploy sila ng mga tauhan upang tumulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Manila City LGU na matiyak ang kaligtasan ng publiko at seguridad sa Quirino Grandstand, Jones Bridge, Ayala Bridge, at bisinidad ng Quiapo Church.
Sinabi ni PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, na ang Coast Guard deployment ay kinabibilangan ng medical responders, K9 units, search and rescue teams, at maging specialized units, gaya ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) forces, Special Operations Groups (SOG), Civil Disturbance Management (CDM) teams, at Deployable Response Groups upang matiyak ang mabilis na pagresponde sa panahon ng anumang emergencies o maritime incidents.
Samantala, naglabas na ang Manila City government ng road closure advisory para sa nakatakdang pagdaraos ng ‘Pahalik’ sa Poong Nazareno na isasagawa sa Quirino Grandstand.
Alas-8 ng umaga kahapon nang simulan nang isara ang Katigbak Parkway at South Road. Isang lane lamang ang bukas para sa mga patungo sa Manila Hotel at H2O Hotel (may plastic barriers) at ang bahagi ng Independence Road.
Kaugnay nito, pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na umiwas muna sa mga naturang lansangan upang makaiwas sa posibleng pagsisikip ng daloy ng trapiko. ( Daris Jose)