• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

16-anyos na estudyanteng nagtangkang tumalon sa mall sa Valenzuela, nailigtas

MATAGUMPAY na nailigtas ng pulisya at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa 16-anyos na estudyante na nagtangkang tumalon mula sa roof deck ng isang malaking mall sa Valenzuela City, Miyerkules ng tanghali.
Sa ulat, mabilis na nirespondehan ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento ang natanggap nilang ulat hinggil sa napipintong pagtalon ng binatilyo na nakatayo na sa barandila sa gilid ng roof deck ng apat na palapag na mall sa Gulod St. Brgy. Bignay dakong alas-12:00 ng tanghali.
Pinangunahan ni P/Maj. Randy Llanderal, Assistant Chief of Police for Operation (ACOPO) na siyang tumayong negosyador ang pagresponde sa lugar habang si City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza naman sa panig ng Bignay Fire Station ang tumugon sa rescue operation.
Nang magpamalas na ng pagkabalisa ang binatilyo pilit siyang pinakalma ni Maj. Llanderal at malumanay na sinabihang mahal siya ng kanyang mga magulang at hinihintay na ang kanyang pag-uwi.
Nang bahagyang kumalma ang binatilyo, palihim na lumapit at umakyat si P/SSg Mark Tiu ng Police Detective Unit sa kinatatayuan ng bata at nang makatiyempo, hinawakan at kinabig niya ang kamay habang nakaalalay naman si Pat Ian Capangyarihan at mga tauhan ng BFP na silang sumalo sa bata.
Matapos ang rescue operation ala-1:11 ng hapon, kaagad na sinuri ng Emergency Medical Services ang kalagayan ng binatilyo bago siya dinala sa Barangay Social Welfare and Development Office (BSWD) upang mapangalagaan.
Labis naman ang pasasalamat ng mga magulang ng estudyante sa pulisya at BFP sa pagkakaligtas sa buhay ng kanilang anak na hinihinalang dumaranas ng depresyon sa hindi na tinukoy na dahilan.
Pinuri naman ni Mayor Wes Gatchailan ang Valenzuela-PNP at Valenzuela-BFP sa kanilang matagumpay na pagkakaligtas sa buhay ng binatilyo. (Richard Mesa)