• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Pinas, walang aktibong kaso ng super flu TINIYAK ng Department of Health (DOH) sa publiko na walang aktibong kaso ng super flu sa bansa.

Ang pahayag ay ginawa ng DOH sa isang pulong balitaan sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center kahapon, kasunod ng mga ulat na dumarami ang kaso ng super flu sa Estados Unidos at Europa.
Ayon kay DOH spokesperson and Assistant Secretary Albert Domingo, Agosto 6 hanggang Oktubre 24 pa nang huling makapagtala ang Pilipinas ng 41 kaso ng super flu AH3N o Subclade K.

Gayunman, nakarekober na ang mga naturang pasyente at sa ngayon ay wala silang naitatalang aktibong kaso ng sakit. Wala rin silang naitalang Subclade K cases bago ang Agosto 6.

Paliwanag ni DomiĀ­ngo, ang Subclade K ay kahalintulad ng seasonal flu at ang kasalukuyang 2025 influenza vaccines ay napatunayang epektibo laban dito.

Samantala, sinabi naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang pagdami ng Subclade K cases ay nagaganap sa panahon ng tag-lamig sa malalamig na lugar, gaya ng US at Europe.