LTO REGIONAL OFFICE 10, NAGLABAS NG SCO KAUGNAY NG UMANO’Y ROAD RAGE AT PAGBUNOT NG BARIL
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
NAGLABAS ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) Regional Office 10 laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang puting ISUZU D-MAX pickup, kaugnay ng isang insidente ng road rage na umano’y kinasangkutan ng pagbunot ng baril at nag-viral sa social media.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang insidente ay naganap nitong Disyembre 29, 2025, sa kanto ng 8th Street at Hayes Street, Cagayan de Oro City. Batay sa kumakalat na video sa Facebook, makikitang hinugot ng driver ng naturang sasakyan ang isang baril at gumawa pa ng malaswang hand gesture laban sa ibang mga motorista. Ang nasabing kilos, kapag napatunayan, ay maituturing na paglabag sa Land Transportation and Traffic Code, na tumutukoy sa pagbabawal sa isang “improper person to operate a motor vehicle.”
Dahil dito, inatasan ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang
LTO Regional Office 10 (LTO RO-10) sa ilalim ni Atty. Bokhaimen A. Mala, na magsagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa insidente at pagpaliwanagin ang rehistradong may-ari at ang driver ng sasakyan at personal na humarap sa LTO RO-10, sa MVIS Compound, Bulua, Cagayan de Oro City, sa Enero 5, 2026 (Lunes).
Kinakailangan din nilang magsumite ng sinumpaan o beripikadong paliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusang administratibo kaugnay ng insidente.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, ang ISUZU D-MAX ay pansamantalang inilagay sa ilalim ng ALARM. Bukod dito, ang lisensya sa pagmamaneho ng driver na nagmamaneho ng sasakyan sa oras ng insidente ay isinailalim sa siyamnapung (90) araw na preventive suspension.
Binigyang-diin ni Asec. Lacanilao, na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang paliwanag ay magbibigay-daan sa agarang pagresolba ng kaso batay sa mga umiiral na ebidensya at record. (PAUL JOHN REYES)