• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, HINIMOK ANG MGA PILIPINO NA MAMUHAY AYON SA HALIMBAWA NI DR. JOSE RIZAL

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Martes ang mga Pilipino na humugot ng inspirasyon mula sa pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pagmamahal sa bayan, katotohanan, at responsableng pagkamamamayan, habang ginugunita ng bansa ang Araw ni Rizal.

“Nawa’y lalong patibayin ng ating pagdiriwang ang ating paninindigan na isabuhay ang mga halagang kanyang ipinakita: pagmamahal sa bayan, paggalang sa katotohanan, walang pagod na paghahangad ng makatarungang reporma, at ang tapang na magsalita at kumilos para sa tama,” ang bahagi ng mensahe ng Pangulo.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ang paggunita na ito sa bawat Pilipino—lalo na sa kabataan na lubos na minahal ni Rizal—na ipares ang pagmamahal sa bayan sa responsableng pagkamamamayan upang mas makapaglingkod tayo sa bansa,” aniya pa rin.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng kanyang mga sulatin at sakripisyo, ginising ni Rizal ang kamalayan ng mamamayan at ipinakita na ang mga Pilipino ay karapat-dapat sa dignidad, kalayaan, at kapangyarihang magtakda ng sariling kinabukasan.

“Today, as Filipinos demand integrity and accountability from its leaders, we look up to his life to provide us with guidance and strength,” sinabi ng Punong Ehekutibo.

“Sa kasalukuyan, habang hinihingi ng mga Pilipino ang integridad at pananagutan mula sa kanilang mga pinuno, tinitingala natin ang kanyang buhay upang magsilbing gabay at lakas,” aniya pa rin.

Dagdag pa ng Pangulo, sa lahat ng larangan ng buhay, pampubliko man o pribado, nawa’y gabayan ng mga prinsipyo ni Rizal ang ating pamumuhay at pagtatrabaho para sa bayan upang sa anumang ating ginagawa, palaging piliin ang malasakit kaysa sa kawalang-pakialam at ang bayan kaysa sa pansariling interes.

“Bumuo tayo ng isang bansa kung saan ang katarungang ipinaglaban niya ay maisakatuparan sa pang-araw-araw na buhay ng lahat ng Pilipino,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Sapagkat sa bawat gawa ng integridad at bawat paninindigan para sa katotohanan, binubuhay natin ang mga pangarap ni Dr. Rizal at inilalapit ang ating sama-samang pangitain ng isang Bagong Pilipinas sa realidad,” dagdag na wika nito. ( Daris Jose)