54% ng mga Pinoy, nais ang agarang pagpapasa ng Anti-Dynasty Law
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
MAY 54% na mga Filipino adults ang sumang-ayon na ang batas na magbabawal sa political dynasty ay dapat na agad na maipasa sa bansa.
Ito makikita sa pinakabagong survey ng Pulse Asia Research.
Ang survey, isinagawa mula December 12 hanggang 15, makikita na ang 21% ng mga pinoy ay “very much agree” at 33% naman ang nagsabi na “somewhat agree” nang tanungin ukol sa naiulat na: “Congress should immediately pass a law banning political dynasties.”
Mayroong “small majority” ng mga Filipino adults ang sumusuporta sa agarang pagpapasa ng batas, ang agreement ay pinakamataas sa Metro Manila (69%), nalalabing bahagi ng Luzon (59%), Visayas (59%), at mga miyembro ng Class D (57%).
Sa kabilang dako, 27% naman ang hindi masabi kung payag sila o hindi sa bagay na ito.
Samantala, 18% naman ng mga pinoy sa buong bansa ang hindi sumasang-ayon sa pagpapasa ng batas, kung saan 13% ang nagpahayag na “somewhat disagree” at 5% naman ang nagsabi na “very much disagree.”
Makikita rin sa survey na ang oposisyon ay mayroong pinakamataas sa Mindanao na may 27% at 20% naman sa hanay ng mga miyembro ng Class C.
Makikita rin sa survey na may 52% ng mga respondents ang nakikita ang pangangailangan sa madaliang pagkilos na maipasa ang batas upang patatagin ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC), isang ganap na makapangyarihang independent body na mag-iimbestiga sa korapsyon sa infrastructure projects.
“Bare to sizeable majorities in Metro Manila (67%), the rest of Luzon (52%), the Visayas (61%), Class D (54%), and Class E (51%) share the same opinion on the matter,” ayon sa Pulse Asia.
Gayunman, may 33% ng Filipino adults ay undecided sa bagay na ito, habang 15% ang nagsabi na hindi nila nakikita ang pangangailangan para agad na maipasa ang nasabing batas. Ang oposisyon ang pinakamataas sa Mindanao na may 24% at 20% sa hanay ng mga miyembro ng Class C.
Ang independent surveyay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may sample na 1,200 adults na may edad na 18 taong guang pataas.
Mayroon itong ±2.8% error margin na 95% confidence level.
Samantala, may ±5.7% error margin ang in-apply para sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, na may 95% confidence level.
Matatandaang, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kongreso na gawing prayoridad ang pagtalakay at pagpasa sa Anti-Dynasty bill at tatlong iba pa. ( Daris Jose)