VP Sara, hinikayat ang mga Pinoy sa Rizal Day: Panindigan ang katotohanan, katarungan
- Published on January 2, 2026
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ni Vice President Sara Duterte ang mga Filipino na maging matapang at magkaroon ng lakas ng loob na panindigan ang katotohanan at katarungan habang inaalala ang mga sakripisyo ng Pambansang Bayani Dr. Jose Rizal.
Sa paggunita ng Rizal Day, binigyang diin ni VP Sara kung paano naging isang inspirasyon ang walang takot na pagmamahal ni Rizal para sa bansa at ang pangarap na tunay na kalayaan sa pamamagitan ng kanyang mga isinulat.
“Ang tunay na aral ni Rizal ay malinaw: Ang kalayaan ay hindi lamang paglaya mula sa puwersang dayuhan, kundi pati na rin ang paglaya ng ating isip at damdamin mula sa pang-aabuso, pagkawatak-watak at kasamaan,” ang sinabi ni VP Sara sa isang video message.
“Sa paggunita natin sa kanyang sakripisyo, manumbalik nawa ang ating lakas at tapang na manindigan para sa katotohanan at katarungan. Huwag nating hayaang mamatay ang diwa ng karunungan at pagkakaisa,” aniya pa rin.
Binigyang diin din ni VP Sara na ang tunay at pangmatagalang pagbabago ay nagmula sa kaalaman, moral integrity, pinagsama-samang aksyon sa loob ng mga komunidad at institusyon. ( Daris Jose)