2 grupong nagrambulan sa kalsada, viral sa social media, 6 timbog
- Published on December 27, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang anim na kalalakihan matapos magrambulan makaraang mabilis na kumalat sa social media ang video ng pangyayari sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni P/Col Joseph Talento, hepe ng Valenzuela City Police Station (VCPS) ang mga dinakip na sina “Jonathan”, 26, “George”, 30, “Mark”, 31, “Ariel”, 29, “Mark”, 33, at “Bernard”, 32.
Ayon kay P/Cpt. Jhonnie Beltran, Sub-Station 3 commander, ang unang grupo ay tatlong lalaking sakay ng isang SUV na pawang mga empleyado ng isang Gay bar habang ang ikalawang grupo ay tatlong lalaki rin na sakay naman ng motorsiklo na aniya’y aminadong nakainom ang anim na mga sangkot.
Lumabas sa imbestigasyon, nagkagitgitan umano ang dalawang grupo sa Mac Arthur Highway, BBB, Brgy., Marulas hanggang sa babaan ng mga nasa SUV ang mga sakay ng motorsiklo at nang magpang-abot ay nagsapakan ang mga ito.
Sa presinto, nagkaayos ang dalawang grupo at nagkasundong hindi na magsasampa ng reklamo ang magkabilang panig.
Gayunman, nasa kustodiya ng VCPS ang anim na arestado na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 (Alarms and Scandal) ng RPC, at karagdagang RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009) sa grupo ng mga sakay ng motorsiklo.
“Huwag magmamaneho kung nakainom at maging mahinahon sa kalsada.” paalala ni Col. Talento. (Richard Mesa)