LTO NAGLABAS NG SCO KAUGNAY NG VIRAL NA HIT-AND-RUN NA KINASANGKUTAN NG ISANG TOYOTA CAMRY
- Published on December 27, 2025
- by @peoplesbalita
PINAGPAPALIWANAG ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari at driver ng isang Toyota Camry, na nasangkot sa viral video na nagpapakita ng hinihinalang hit-and-run incident.
Batay sa video, makikita ang Toyota Camry na bumibiyahe sa kalsada kung saan nasagi ng isang motorsiklo ang hulihang bahagi ng sasakyan. Dahil sa insidente, nawalan ng kontrol ang motorsiklo na naging sanhi ng pagbagsak sa kalsada ng driver at ang nakaangkas na pasahero nito. Makaraang mangyari ito, patuloy na umabante ang sasakyang nakasagi papalayo mula sa pinangyarihan ng insidente.
Dahil dito, inatasan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang nakarehistrong may-ari at ang itinalagang driver ng Toyota Camry, na personal na humarap sa LTO- Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City, sa ika-6 ng Enero 2026 (Martes).
Inaatasan silang magsumite ng kanilang sinumpaang komento o paliwanag kung bakit hindi dapat managot sa kasong administratibo ang driver ng naturang sasakyan dahil sa Reckless Driving, at kung bakit hindi dapat bawiin o suspendihin ang kaniyang lisensya dahil sa pagiging isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, ipinag-utos ni Asec. Lacanilao na isasailalim sa preventive suspension sa loob ng siyamnapung (90) araw ang lisensya ng drayber. Inaatasan din siyang isuko ang kanyang driver’s license sa mismong petsa ng itinakdang pagdinig. Inilagay din sa ilalim ng alarm ang Toyota Camry habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Binigyang-diin ni LTO Chief Lacanilao na ang kabiguang humarap at magsumite ng kinakailangang beripikado o sinumpaang paliwanag ay ituturing bilang pagtalikod sa karapatang marinig, at ang kaso ay papasyahan batay sa mga ebidensiyang nasa talaan ng LTO.
Muling iginiit ni Asec. Lacanilao na mahigpit ang alituntunin ng LTO sa pagtitiyak ng kaligtasan sa kalsada at sa pananagutan ng mga motorista sa paglabag sa mga batas trapiko, lalo na kung nalalagay sa panganib ang buhay ng publiko at mga kapwa motorista sa lansangan. (PAUL JOHN REYES)