OSPITAL NG SAMPALOC, BINUKSAN NA
- Published on December 22, 2025
- by @peoplesbalita
TULUYAN nang binuksan ang bagong renovate na Emergency Room ng Ospital ng Sampaloc at pinasinayaan ni Manila Mayor Isko Moreno.
Natapos o nakumpleto ang pasilidad sa loob ng 90 araw gaya na rin ng ipinangako ng alkalde.
Sumasalamin ang proyektong ito sa “Bilis Kilos” na pamamaraan ng administrasyon ni Domagoso na nagbibigay-diin sa pangangailangan nang mabilis na aksyon at napapanahong solusyon upang mapabuti ang mga serbisyong medical emergency para sa mga Manileno.
“Sabi ko sa inyo, 90 araw, ipinangako ko ito sa mga tao ng Sampaloc. Basta bigyan n’ yo lang ako ng 90 araw. Pero masaya ako, natapos agad bago mag-90 araw,” pahayag ng alkalde.
Idinisenyo ang bagong emergency room upang tugunan ang matagal nang isyu sa kaligtasan sa mga pampublikong ospital kung saan binanggit ni Mayor Isko ang mga nakaraang kalagayan ng mga pasyente at health care personnel.
Ang pasilidad ngayon ay may malinaw na minarkahang triage at treatment areas, nurse stations, minor operationg rooms, modernong hospital beds at embedded oxygen system kasama ang mga na-upgrade na support spaces tulad ng pharmacy window at accessible restrooms.
Binigyang-diin din ni Domagoso ang kamakailang paglabas ng matagal nang na-delay na Health Emergency Allowance (HEA) payments sa mga contact tracers at medical frontliners na nakatanggap ng hanggang P72,000 matapos ang halos tatlong taong paghintay.
Kasama ng alkalde si Vice Mayor Chi Atienza at iba pang mataas na opisyal ng pamahalaang lungsod at nang naturang ospital. (Gene Adsuara)