Mister na akusado sa tatlong sexual assault sa Valenzuela, timbog
- Published on December 22, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG 58-anyos na mister na akusado sa tatlong bilang ng sexual assault sa menor-de-edad ang arestado sa pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa mga wanted person sa Valenzuela City.
May inisyung warrant of arrest ang Family Court, Branch 16, Valenzuela City noong December 18, 2025 para sa Sexual Assault in relation to Section 5(B) ng Republic Act No. 7610 (three counts) laban sa akusadong si alyas “Lando”.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) OIC District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento na nakatanggap sila ng tip na naispatan ang presensya ng akusado sa Barangay Hall ng Brgy. Malinta.
Kaagad bumuo ng team ang Malinta Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Lt Michael Dela Cruz saka ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Barangay Hall ng Malinta, sa Capt. Cruz Street alas-6:30 ng gabi.
Hindi na nakapalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang nasabing warrant na may inirekomendang piyansa na P540,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Matapos nito, dinala ang akusado sa Valenzuela City Emergency Hospital para sa medical examination bago tinurnover sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS kung saan siya pansamantalang ipiniit habang hinihintay ang pagpapalabs ng commitment order mula sa hukuman. (Richard Mesa)