• September 19, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Binata, tigbak sa pananaksak sa Caloocan

MAAGANG nakipagkita kay kamatayan ang 18-anyos na binata matapos pagtulungan pagsasaksakin ng dalawang teenager habang pauwi galing pumasan sa prusisyon ng imahe ng Mahal na Poong Nazareno sa Caloocan City.
Nalagutan ng hininga dakong alas-10:39 ng gabi habang ginagamot ang tinamong tama ng saksak sa likod at tagiliran sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si alyas “RJ”.
Timbog naman sa follow-up operation ng mga tauhan ng Maypajo Police Sub-Station 1 sa Tamban St. alas-3:00 ng Sabado ng hapon si alyas “Romel”, 18, ng Libis Ortega St. Brgy. 20, na positibong kinilala ng 16-anyos na testigo sa harap ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat na si alyas “Geofrey” 18, ng Libis Ortega Street.
Sa imbestigasyon ni P/MSG Marvin Doctor ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Caloocan police, katatapos lang pumasan ng bikima sa prusisyon ng imahe ng Nazareno sa kahabaan ng C-3 Road nang umangkas sa likod ng e-bike ng testigo na kanyang kaibigan Biyernes ng alas-8 ng gabi pauwi sa kanilang tirahan.
Pagsapit sa kanto ng Talakitok St. at C-3 Road. Brgy. 22, naispatan umano ng mga nakatambay na suspek sa lugar ang biktima na umano’y miyembro ng kanilang kalabang gang kaya’t hinarang nila at pinagtulungang pagsasaksakin.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang biktima ng kanyang kaibigan sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito nailigtas. (Richard Mesa)