Pagpatay sa 18-anyos na ama na pinalo ng baseball bat sa ulo sa Malabon, kinondena ni Mayor Sandoval
- Published on December 10, 2025
- by @peoplesbalita
KINONDENA ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang nangyaring pagpatay sa 18-anyos na ama matapos pagtulungan at dalawang beses paluin ng baseball bat sa ulo ng isang grupo ng kalalakihan sa lungsod.
“Bilang inyong City Mayor, mahigpit kong kinokondena ang lahat ng uri ng karahasan. Hindi kailanman katanggap-tanggap ang anumang gawain na kumikitil ng buhay at sumisira sa kapayapaan ng ating komunidad,” ani Mayor Jeannie.
“Lubos kong ikinalulungkot ang pagkamatay ni Guy Aldrin Gonzales, at nakikiramay ako sa kanyang pamilya sa matinding dalamhati na kanilang pinagdaraanan. Ang kanyang ina, na isa ring kawani ng City Hall, ay bahagi ng ating lingkod-bayan, at kasama rin natin siyang naghahangad ng katarungan,” dagdag niya.
Tiniyak din niya sa lahat ng Malabueño na hindi natin papayagang manatiling malaya ang sinumang responsable sa krimeng ito at makakaasa aniya na buong pwersa ng batas ang pakikilusin upang matiyak na mananagot ang mga salarin.
Nangako rin ang alkalde na patuloy niyang bibigyan ng suporta ang pamilya Gonzales at sisiguraduhin na ang ganitong uri ng karahasan ay hindi maghahari sa lungsod.
Nangyari ang insidente noong Lunes, December 1, alas-2 ng madaling araw sa Kagitingan St. Brgy. Muzon nang banggain ng motosiklo sa likod ang biktima bago dalawang beses na pinalo ng baseball bat sa ulo makaraang sitahin nito ang nakakasilaw na ilaw ng motorsiklo.
Nadala pa ang biktima sa pagamutan kung saan ilang araw itong na-comatose bago tuluyang binawian ng buhay habang naaresto naman ng mga tauhan ni Malabon police chief Col. Allan Umipig ang umano’y humataw sa kanyang ulo na si alyas “John”, 24, subalit nakalaya umano makaraang magpiyansa sa kasong frustrated homicide.
Ayon kay Col. Umipig, patuloy ang isinawaga nilang malawakang operation laban kay alyas John at sa iba pang mga suspek kabilang ang nagmamaneho ng motosiklo na sumagasa sa biktima. (Richard Mesa)