8 SABIT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, KALABOSO NA
- Published on November 26, 2025
- by @peoplesbalita
NAARESTO na ang walo sa 16 katao na sangkot sa flood control scandal, batay sa pahayag ng Department of the Interior and Local Government.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na dinala na sa kulungan ang mga nasakote na kinabibilangan nina Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa chief Gerald Pacanan, gayundin sina Gene Ryan Althea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Felisardo Casuno, Juliet Calvo, Lerma Cayco, at Dennis Abagon.
Ang mga ito ay itinurn-over na sa Sandiganbayan nitong Lunes at kasalukuyan nang isinasailalim sa booking procedures. Dedesisyunan na rin ng Sandiganbayan ang commitment orders laban sa mga akusado.
Ayon kay Remulla, mas mainam na magsisuko na ang iba pang sangkot sa naturang anomalya dahil maaaresto rin sila ng mga operatiba ng gobyerno.
“We have to make this clear that no matter where you are in the world, we will find you. If you are at large, we will find you. If you are hiding in the Philippines, we will find you,” pahayag ni Remulla.
Ilan pa sa patuloy na pinaghahanap ng batas sina dating Ako Bicol Rep Zaldy Co, Timojen Sacar, Montrexis Tamayo, Aderma Angelie Alcazar, Cesar Buenaventura, Consuelo Aldon, Noel Cao, at Anthony Ngo.
Sinabi ni Remulla na wala pa silang alam ng eksaktong pinagtataguan ni Co at maaaring gumagamit ito ng ibang passport at pangalan kayat ito aniya ang kanilang binubusisi ngayon.
“The Interpol blue notice is out. Now that we have…the arrest warrant, the red notice can be out and we will further determine kung nasaan talaga siya,” dagdag ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na ang mga Sunwest executives na si Alcazar ay pinaniniwalaang nasa New Zealand, habang si Buenaventura ay pinaniniwalaang nasa at New York habang si Tamayo ay pinaniniwalaang nasa Jordan.
Ipinaalala ng DILG na may parusa ring igagawad sa mga taong kumukupkop sa mga pinaghahanap ng batas. (Daris Jose)