Universal social pension bill ng senior citizens inihain
- Published on November 26, 2025
- by @peoplesbalita
ISANG panukalang batas ang inihain ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na naglalayong magbigay ng universal social pension o para sa lahat ng senior citizens sa bansa, anuman ang kalagayan sa buhay at hindi limitado sa indigents.
Sa kanyang House Bill No. 1296, o “Universal Social Pension Act,” iminungkahi ni Santos ang pag-amyenda sa Republic Act No. 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010) upang alisin ang indigency requirement na kasalukuyang naglilimita sa mga maaaring makatanggap ng buwanang pensyon ng gobyerno.
Ayon sa panukala, tanging mga indigent seniors—yaong walang regular na pinagkakakitaan o sapat na suporta—lamang ang tumatanggap ng ?1,000 buwanang stipend mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Nakasaad din sa panukala na ang pagpapatupad, pamamahagi, at pamamahala ng social pension program ay ililipat mula sa DSWD patungo sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), alinsunod sa Section 11 ng Republic Act No. 7742 na inamyendahan ng Republic Act No. 11350, sa loob ng hindi hihigit sa dalawang taon mula sa pagkapasa ng batas.
Binigyang-diin ni Santos na mas vulnerable sa karamdaman, gastusing medikal, at mataas na cost of living ang mga senior citizens, dahilan upang mas madali silang malugmok sa kahirapan.
Layunin ng panukala ni Santos na maipagkaloob ang pensyon sa lahat ng Pilipinong may edad 60 pataas, at itaas ang halaga nito alinsunod sa inflation at tumataas na gastos sa pamumuhay.