• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mahigit 8K pamilya, inilikas sa evacuation centers sa Caloocan, Malabon, Valenzuela

UMABOT sa mahigit 8K pamilya ang inilikas sa mga evacuation center sa Caloocan, Malabon at Valenzuela Cities kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Uwan.

Sa Caloocan, umabot sa 1,696 pamilya o 6,527 individuals ang inilikas sa mga evacuation center sa buong lungsod kung saan personal silang binisita at kinamusta ni Mayor Along Malapitan para hatiran ng relief packs.

Binigyan din sila ng libreng gamot, vitamins, at doxycycline para sa mga lumusong sa baha at nagsagawa rin ng libreng check up para sa kanila.

Umabot naman sa 909 mga pamilya o 3,456 individuals ang pansamantalang nanunuluyan sa lahat ng mga evacuation center sa Lungsod ng Malabon.

Nag-ikot naman si Mayor Jeannie Sandoval sa lahat ng evacuation center sa lungsod para personal na kamustahin at bigyan ng mainit na pagkain at food packs ang mga evacuees.

Sa ulat ng Malabon DRRMO, ligtas at passable ang lahat ng mga pangunahing kalsada sa Lungsod at walang naiulat na pagbaha o pagbara sa mga lansangan.

Samantala, ayon naman sa Valenzuela Public Office, as of 3pm ng November 10, abot sa 1,359 mga pamilya o 5,093 individuals ang nasa mga evacuation center sa buong lungsod kung saan personal din silang binisita at kinamusta ni Mayor Wes Gatchailan.

Binigyan din sila ng mainit na pagkain at nagsagawa rin ng libreng check up at first aid para sa kanila habang nagkaroon naman ng gutter na pagbaha sa Gen. Velilia St., Brgy., Pariancillo Villa sanhi ng nasira umanong dike sa Brgy., Lawa, Obando, Bulacan. (Richard Mesa)