Patuloy na pagbibigay ng tulong at deployment ng medical teams, ipinag-utos ni PBBM
- Published on November 11, 2025
- by @peoplesbalita
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga kinauukulang departamento ng bansa na patuloy na magbigay ng tulong sa lahat ng mga sinalanta ng bagyo.
Ang agarang pag-aksyon ng Pangulo ay ilang oras lamang matapos na mag-landfall ang Super Typhoon Uwan sa Dinalungan, Aurora, Linggo ng gabi.
Sa katunayan, sa situation briefing sa PSC Command Operations Center ngayong umaga kung saan tinalakay ang pinakahuling ulat sa pagtugon ng pamahalaan sa Super Typhoon, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa lahat ng mga sinalanta ng bagyo.
Ayon sa DSWD, patuloy nilang binabantayan ang mga evacuation operations at status ng mga bakwit.
Sa Bicol Region, naitala ang may pinakamaraming bilang ng mga bakwit matapos na umabot sa 100,050 na mga pamilya ang apektado roon.
Habang sa Camarines Sur, tinatayang aabot sa 44,000 pamilya at 20,000 pamilya naman ang apektado sa Quezon Province sa Calabarzon.
Inaasahan namang makababalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nasa evacuation centers matapos ang unti-unting paghupa ng tubig-baha roon.
Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos sa Department of Health (DoH) sa pangunguna ni Secretary Ted Herbosa na tiyaking mayroong mga medical teams sa mga evacuation centers upang mabantayan ang kalusugan ng mga bakwit.
Kagyat namang pinasimulan ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna naman ni Secretary Vince Dizon ang rehabilitation efforts sa mga nasirang kalsada upang hindi maantala ang pagpapadala ng tulong saan mang panig ng bansa.
Samantala, sa datos ng gobyerno, mayroong 71 na mga kalsada ang hindi pa madaanan dahil sa epekto ng bagyo kabilang na sa GitnangLuzon at Cordillera Administrative Region lalo na sa Mouintain Province, Benguet at Apayao.
May ilang mga kalsada rin ang hindi pa madaanan sa Aurora.
Sa report ng OCD, ang Pangasinan ang lubhang naapektuhan ng pagbaha na agad namang humupa matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), may apat ang naitalang nasawi dahil sa Super Typhoon Uwan subalit dalawa sa nasabing bilang ay bina-validate pa ng ahensiya.
Wala namang naitalang missing persons. Nagpapatuloy pa rin ayon sa OCD ang rescue operations sa Pangasinan.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa lahat ng ahensiya ng gobyerno ang walang humpay na pagbabantay sa lagay ng panahon mula ngayong araw ng lunes, Nobyembre 10 hanggang bukas, araw ng Martes, Nobyembre 11.
Pinaalalahanan naman ng Pangulo ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya na ipagpatuloy ang rehabilitation efforts sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Tino at sa mga lugar na napinsala ng Super Typhoon Uwan. (Daris Jose)