• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Belle, nagpakita ng suporta sa ka-loveteam: DONNY at KYLE, ganap ng action stars sa upcoming series na ‘Roja’

SA grand mediacon at special screening ng upcoming ABS-CBN at Dreamscape Entertainment series na “ROJA”, masasabing ganap nang action stars ang Kapamilya matinee idols na sina Donny Pangilinan at Kyle Echarri.
Ipinapanood nga ang pasabog na first three episodes ng kanilang serye na kung sumabak sila sa matitinding stunts, bukod pa sa madadrama nilang eksena.
Infairness, kayang-kaya naman ng dalawang Kapamilya actors ang mga unang action scenes na ipinagawa sa kanila sa “ROJA” at ito pa hindi na sila nagpa-double.

Isa raw sa most memorable action scene na ginawa nila ay, “may eksena kami na sumabog iyong bomba, hindi po kasi namin alam, ang akala namin parang may fire lang or may effects lang.”

“Tapos naka-ready na kami (nagmuwestra na babaril), and 3-2-1! Boom! Sumabog nang ganoon kalakas! Sobrang laki ng sabog. Lumipad talaga kami. Ang ganda, ang ganda talaga ng scene na yun!” kuwento pa ni Donny sa kanyang interview.

Kaya naman super excited na sina Donny at Kyle sa pagsisimula ng pinakabagong action-drama serye ng ABS-CBN na tatalakay sa kanilang pakikipagsapalaran sa isang malaking iskandalo ng pangho-hostage.

Sa naturang serye, parehong magaling sa martial arts at sa pakikipagbakbakan ang mga karakter nina Donny at Kyle kung saan isang head chef si Liam (Donny), at si Olsen (Kyle) naman ay isang palaban na miyembro ng security team ng resort.

Iikot ang kwento ng “ROJA” sa dating mag-best friend na ngayon ay magkaribal na sina Liam at Olsen. Kasama rin nila sa serye si Maymay Entrata bilang si Luna, ang best friend ni Liam na kabilang din sa culinary staff.

Malalim ang magiging lamat sa relasyon ng dalawa dahil mapupuno ng hinagpis ang puso ni Liam nang malaman niyang may kabit (Yassi Pressman) ang tatay niya (Raymond Bagatsing) at matagal na pala itong kinukunsinti ni Olsen.

Kabilang din sa cast ng “ROJA” sina Sandy Andolong, Robert Seña, Nikki Valdez, Cris Villanueva, Zia Grace, Bernard Palanca, Marc Abaya, Gello Marquez, Harvey Bautista, Lou Yanong, Kobie Brown, Benedict Cua, Iñigo Jose, Maika Rivera, AC Bonifacio, Emilio Daez, Xilhouete, Kai Montinola, Rubi Rubi, Sophie Reyes, Rikki Mae Davao, Inka Magnaye, Vangie Castillo, Levi Ignacio, Floyd Tena, Rans Rifol, Igi Boy Flores, at Raven Molina.

Mula ito sa direksyon nina Lawrence Fajardo, Rico Navarro, Andoy Ranay, at Raymund Ocampo.

Samantala, sa naganap na red carpet bago ang special screening at grand mediacon ng serye, dumating ang ka-partner ka-loveteam ni Donny na si Belle Mariano para sumuporta na labis na ikinatuwa ng kanilang avid fans.

Mapapanood muna ang “ROJA” sa Netflix simula November 21 at sa iWant simula November 22, at magiging available sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5 sa November 23, 8:45 p.m.

(ROHN ROMULO)