• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinas, nananatiling target kahit walang Edca sites

KAHIT walang Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca) sites, nananatiling ‘target’ ang Pilipinas dahil sa strategic location nito.

Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr., araw ng Biyernes, kung saan sa ilalim ng Edca, ang Estados Unidos ay pinapayagan na mag-imbak ng mga kagamitan at mag-deploy ng tropa nito sa loob ng Philippine military bases, kung saan tatlo sa mga ito ay matatagpuan malapit sa self-ruled Taiwan.

“Even if there are Edca sites or not, we are still a target,” ayon kay Brawner nang hingan ng reaksyon sa impresyon na ang Edca sites ang dahilan para targetin ng Tsina ang bansa.

Matatandaang, taong 2023, itinalaga ng Malakanyang ang apat na karagdagang Edca site na matatagpuan sa Camilo Osias Naval Base sa bayan ng Sta. Ana town at Lal-lo Airport sa bayan ng Lal-lo, kapuwa sa Cagayan province; Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela province; at Balabac, sinasabing southernmost island sa Palawan province.

Ang Edca sites sa Cagayan at Isabela ay kapwa malapit sa Taiwan, kung saan itinuturing ng Tsina bilang renegade province subject sa reunification.

“It’s because of our location, the geolocation of our country,” he said. “Our location is very strategic, we are near Taiwan, and we are in the middle that obstructs their ships going to the Pacific Ocean,” ayon kay Brawner.

Sa kabilang dako, kinuwestiyon ng Chinese Embassy ang bagong Edca sites, sabay sabing ang Pilipinas ay maaaring “get dragged by the US to interfere in the Taiwan question.”

Samantala, may limang lokasyon ang Edca site, ito ay ang Antonio Bautista Air Base sa Palawan, pinakamalapit sa Kalayaan Group of Islands; Basa Air Base sa Pampanga, tahanan ng fighter planes ng Philippine Air Force, at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, pinakamalaking military camp ng bansa at isang frequent location ng Philippine-US military exercises.

Ang dalawang iba pang lugar ay ang Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu at Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro City. (Daris Jose)