PBBM at NHA, naggawad ng mga certificate para sa mga benepisyaryo ng pabahay sa National Housing Expo 2025
- Published on October 28, 2025
- by @peoplesbalita
NAGGAWAD si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai ng mga Certificates of Award para sa limang (5) pamilya-benepisyaryo sa pagbubukas ng dalawang-araw na National Housing Expo 2025 na inorganisa at nilahukan ng mga Key Shelter Agencies (KSAs) sa World Trade Center noong Oktubre 23, 2025.
Bukod sa pamamahagi ng mga COAs, naglatag din ang NHA ng isang mini-exhibit/information booth, na nagtatampok ng iba’t ibang scale models at mga larawan ng mga proposed at ongoing housing projects ng ahensya. Naglagay din ang NHA ng enlarged copy ng 50th Anniversary Coffee Table Book at Housing Design Manual para sa kaalaman at pagpapahalaga ng publiko. Nagbigay din ng libreng tulong legal para sa mga katanungan na may kinalaman sa pabahay sa nasabing booth ng ahensya.
Naka-angkla sa temang “Build Homes, Build Happiness,” sinasaklaw ng Expo ang bisyon ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (Expanded 4PH) modality, na nagsisilbing flagship housing initiative ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., na nagbibigay-diin sa transformative power ng pagkakaroon ng de-kalidad, disente at abot-kayang mga tahanan para sa ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino.
Nagsilbi ring mga panauhin sa kaganapan sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon “Ping” Aliling, Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, Social Housing Finance Corporation (SHFC) President and CEO Federico Laxa, National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) President Renato Tobias, at Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) Executive Commissioner Atty. Maria Victoria Reyes-Beltran.
Inaanyayahan din ni GM Tai ang mga empleyado, pamilya, at indibidwal na samantalahin ang pagkakataong ito upang ma-enjoy ang mga benepisyo ng mga abot-kayang programang pabahay ng gobyerno. “Ang National Housing Expo 2025 ay nagbigay-daan sa mga KSAs na makipagsanib-puwersa sa pribadong sektor upang tugunan ang lumalaking backlog sa pabahay at magkaroon ng mga housing opportunities para sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni GM Tai.
(PAUL JOHN REYES)