Oplan Biyaheng Ayos! Undas 2025, ikinasa ng LTO
- Published on October 27, 2025
- by @peoplesbalita
Nagsasagawa na ng roadworthiness inspections ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga pampasaherong sasakyan sa ibat ibang mga pangunahing terminal particular sa Metro Manila.
Ito ay makaraang iutos ni LTO Chief Markus Lacanilao sa lahat ng regional office ng ahensiya na magpatupad ng full deployment ng enforcement teams sa iba’t ibang rehiyon para matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga pasahero na lalabas at papasok ng Metro Manila ngayong panahon ng Undas.
“As we anticipate the increase of passengers this Undas season, the LTO is committed to making sure that all public transport vehicles are safe and roadworthy,” ayon kay Lacanilao.
Giniit din ni Lacanilao sa mga operator at driver na unahin ang kaligtasan ng bawat Pilipinong bibiyahe ngayong okasyon. Hinimok din nito ang mga motorista na magsagawa muna ng kaukulang vehicle maintenance bago bumiyahe at sundin ang kasalukuyang transport at traffic regulations para iwas sa huli at penalty.
Pinayuhan din ni Lacanilao ang mga commuters na huwag sasakay sa mga colorum vehicles dahil baka makompormiso ang kanilang kaligtasan.
(Daris Jose)