Paggamit ng ‘One RFID,’ hindi mandatory DoTR
- Published on October 27, 2025
- by @peoplesbalita
NILINAW ng Department of Transportation (DOTr) na ang paggamit ng “One RFID” ay hindi naman mandatory para sa mga motorista.Matatandaang inilunsad na ng DOTr, sa pangunguna mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ‘One RFID, All Tollways System,’ kamakalawa.Nilinaw naman ni Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez na “hindi required” ang mga motorista na mag-shift o gumamit ng bagong sistema dahil ang naturang unified toll payment scheme ay hindi naman mandatory, kundi opsiyonal lamang.Ayon kay Lopez, ang mahalaga lamang ay mayroong opsiyon ang mga motorista.Paliwanag ni Lopez, kung masaya naman na ang mga motorista sa kanilang kasalukuyang setup na dalawa ang ginagamit na RFIDs ay maaaring ipagpatuloy nila ang paggamit dito.“Pero ang importante dito, ay ito ay isang option. Kung masaya kayo sa inyong current setup that you maintain two RFIDs — pupuwede pa rin po,” ani Lopez, sa panayam sa radyo.“Pero kung gusto niyong subukan itong One RFID, All Tollways — puwede rin po,” aniya pa.Matatandaang matapos ang walong taon, pormal nang nailunsad ang One RFID System upang mapahintulutan ang mga motorista, na gumamit ng iisang RFID na lamang, na maaaring Autosweep o Easytrip, sa pagdaan sa lahat ng expressways sa Luzon.Ang mga motoristang interesado sa naturang bagong sistema ay maaaring mag-register online o ‘di kaya ay sa mga designated toll stations.