Buntis, pinagsasaksak ng adik na live-in partner sa Navotas
- Published on September 9, 2025
- by @peoplesbalita
MALUBHANG nasugatan ang pitong-buwang buntis na bebot matapos pagsasaksakin ng kanyang live-in partner na umano’y nasa impluwensiya ng bawal na droga sa Navotas City.
Nakaratay habang ginagamot sa Navotas City Hospital ang 18-anyos na biktimang si alyas “Marie” habang naaresto naman kaagad ni PCMS Roberto Santillan ng Navotas Police Patrol Base-2 ang suspek na si alyas “Kevin”, 32, na umano’y nahuhumaling sa ilegal na droga.
Sa report ni Pat. Noriza Panogalinga kay Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela, habang naliligo ang biktima sa banyo ng kanilang tirahan sa B. Cruz St. Tangos North pasado alas-12:00 ng tanghali, nang biglang pumasok ang suspek na armado ng patalim at magkakasunod na inundayan ng saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan at leeg.
Nagsisigaw naman na humingi ng saklolo si ‘Marie’ at nang banggitin niya ang salitang “Love”, dito lang itinigil ng suspek ang pananaksak kaya nagawang makatakbong palabas ng banyo ang biktima.
Sumaklolo naman ang lalaking kapatid ng suspek na agad isinugod ang biktima sa naturang pagamutan habang kaagad namang naaresto ang suspek dahil sa mabilis na pagresponde ni PCMS Santillan.
Ayon sa pulisya, sinabi ng suspek na tila may bumubulong sa kanya na gawin ang krimen at hindi niya alam na kinakasama niya ang kanyang nasaksak.
Patuloy namang inoobserbahan ng mga doktor ang kalagayan ng biktima, pati na ang sanggol sa sinapupunan, habang sinampahan ng kasong frustrated homicide in relation to Anti Violence Against Women and their Children Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)