• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, nakipagpulong sa mga pinoy sa Cambodia; nangako ng proteksyon, suporta

BILANG unang agenda sa kanyang three-day official state visit sa Cambodia ay nakapulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang daan-daang miyembro ng Filipino community.

Sa pagsasalita sa 550 miyembro ng Filipino community sa Phnom Penh, nangako ang Pangulo na palalakasin ang proteksyon ng mga migrant workers sa Cambodia.

Ipagpapatuloy aniya niya na talakayin sa Cambodia na palakasin ang ‘appropriate protection’ para sa mga migrant workers.

Tinuran pa niya na hihikayatin niya ang mga business leaders na mamuhunan sa Pilipinas para sa paglago ng ekonomiya.

“Tayo ay nakikipagtulungan sa Cambodia upang sama-samang lumago ang ating ekonomiya.Hihikayatin natin ang kanilang mga negosyante na maging masigasig sa pag-invest at pagnenegosyo sa mga kompanyang Pilipino upang naman ay patuloy na yumabong ang ating ekonomiya,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Inatasan naman ng Pangulo si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na magbukas ng Migrant Workers Office sa Cambodia, kung saan maaaring mag-report ang mga filipino ng kanilang mga hinaing.

“Above all, we will continue to discuss in Cambodia the strengthening of appropriate protection and welfare of migrant workers,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“That is why I have tasked Secretary [Hans Leo] Cacdac to open a Migrant Workers Office here in Phnom Penh. This will be done as soon as possible to support our Embassy in advancing your welfare and defending your rights,” aniya pa rin.

Samantala, pinuri naman ni Pangulong Marcos ang mga filipino sa Cambodia at maging sa ibang bahagi ng mundo dahil kinakatawan ng mga ito ang mga filipino sa global scale.

“You represent so powerfully a premium, world-class Filipino brand that embodies heroism,” aniya.

“Hindi lamang kayo bayani ng inyong mga pamilya. Kayo rin ay bayani ng kapos-palad dito sa Cambodia na binabahagian ninyo ng mga bunga ng sarili ninyong paghihirap,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

Maliban kay Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, kabilang din sa Philippine delegation sina Cacdac, Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro, Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque, Commission on Higher Education Chair Shirley Agrupis, at Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez.

Tinatayang may 10,000 Filipino ang naninirahan sa Cambodia, karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa larangan ng edukasyon at serbisyo.