• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM walang pagsisisi na manungkulan bilang Pangulo ng bansa, tinawag itong ‘greatest privilege’

HINDI nagsisisi si Pangulong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naging Pangulo siya ng Pilipinas.

Sa katunayan, tinawag niya itong “greatest privilege” upang magawang aksyunan ang mga usapin at bunutin ang para sa kanya’y lantaran at malalim na pagkakaugat ng korapsyon sa bansa.

“No, not for one moment,” ang tugon ni Pangulong Marcos nang tanungin kung pinagsisisihan ba niya na maging Pangulo ng bansa sa isang exclusive interview ni Vicky Morales na inere sa “24 Oras Weekend” ng GMA, araw ng Linggo.

“I am given the opportunity to actually—the privilege, the opportunity, and the chance to actually do something. All of the things that I complained about all my life, now I can do something about it. And that is the greatest privilege that anyone can be granted, so no, I don’t regret it,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Inamin ng Pangulo na nagulat siya na ang korapsyon ay tila nagiging normal na, may ilang nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects na iniuugnay sa ilang mambabatas.

“Nung ako ay governor, hindi ganito. At bukod pa sa laki ng halaga ng nakukuha ng kung sino-sino na tao na wala namang karapatan na bulsahin ang pera na ‘yan, bukod pa roon, ay hindi nila tinatago. Garapal na po,” ayon sa Pangulo.

Nauna rito, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Budget ang Management (DBM) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng sweeping review sa budget ng ahensiya para sa fiscal year 2026.

Ang direktiba ng pangulo ay bunsod sa isinawalat nina Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcelino Teodoro na mayroong mga kwestiyonableng programa ang naisingit sa 2026 national budget.

Matatandaang sa pang-apat na State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong MArcos, sinabi nito na “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Ipinamukha ito ng Pangulo sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na nagnanakaw ng pondo na nakalaan para sa infrastructure projects, gaya ng flood control projects.

Nauna rito, inilunsad naman ni Pangulong Marcos ang “Sumbong sa Pangulo” website na maaaring magamit ng taumbayan upang direktang maiparating sa Pangulo ang sumbong sa mapapansin nilang kapalpakan sa nasabing proyekto.

“There’s hope. Have hope. We’ve seen all of what people are complaining about or having to live with,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“Yung kailangan ninyong pagtiyagaan, pagtiisan na araw-araw niyong mga buhay, alam namin ‘yun. At lahat ng aming gawin na kayang gawin, ginagawa namin pero ‘yun na nga ‘yung na—babalik na naman ako doon sa nasabi ko kanina na ang lalim ng kalawang. Ang lalim ng bulok,” ang winika nito.