• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Gabriela Women’s Party list, kinondena ang “parliamentary courtesy” na ibinigay sa Office of the President (OP)  

KINONDENA ng Gabriela Women’s Party list ang “parliamentary courtesy” na ibinigay sa Office of the President (OP), na nauwi sa pagtatapos ng budget hearing para sa panukalang 2026 budget allocation nito.

“Habang maluha-luha kuno si President Marcos Jr. sa kanyang recent interview, ang totoo’y diversion lang ito dahil hindi siya sisipot sa budget deliberations. All cry, no show. ‘Parliamentary courtesy’ sa Presidente, pero ang taumbayan puwede bastusin,” pahayag ni dating Representative Arlene Brosas.

Sinabi ni Brosas na sa ilalim ng Office of the President, nakalaan dito ng pinakamataas na Confidential and Intelligence Funds (CIF) na umabot sa P13.5 billion mula 2023 hanggang 2025. Para sa 2026, ang OP ay humihingi ng karagdagang P4.5 billion na CIF.

“Acting sa harap ng camera, absent sa harap ng taumbayan. Walang malinaw na paliwanag kung saan napupunta ang pondong ito, at sa halip na sagutin ng Malacañang ang tanong ng taumbayan, Congress itself is shielding the President from accountability. Ito ay malinaw na pag-iwas sa accountability lalo na sa panahong galit na galit na ang mamamayan sa korapsyon sa gobyerno,” dagdag ni Brosas.

Kinuwestiyon din nito ang selective silence ng palasyo sa corruption scandals.

“Usapin ng flood control project issue—malinaw na pagkakurakot, pero walang aksyon ang Palasyo. Kaya ba ayaw ring ipanagot si Sara Duterte sa confidential funds niya, kasi siya rin ang may pinakamalaki? Pare-pareho lang na binabalutan ng parliamentary courtesy at kawalan ng transparency,” dagdag ni Brosas.

Muli rin nanawagan ang Gabriela Women’s Party na alisin na ang lahat ng uri ng CIF, partikular na ang lumolobong alokasyon sa Office of the President, at ilipat ang pondo sa iba tulad ng education, health, at subsidies sa mga kababaihan at mahihirap.

“Hindi dapat gawing gatasan ang kaban ng bayan habang nagugutom ang taumbayan. Enough with the secrecy, enough with the corruption. Let the people’s money serve the people,” ani Brosas.

Ang pahayag ni Brosas ay kasunod na rin sa agad na pagpapalabas ng House Committee on Appropriations sa panukalang badyet ng OP dahil sa courtesy kahit na tumutol ang ilang oposisyon. (Vina de Guzman)