• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sekyu na sinibak sa trabaho, nang hostage ng 3 kapitbahay sa Caloocan

KALABOSO ang isang security guard matapos i-hostage ang tatlo katao, kabilang ang 11-anyos na batang lalaki, kanyang yaya, at 19-anyos na dalaga sa Caloocan City, Lunes ng umaga.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Directo P/BGen. Jerry Protacio kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Anthony Aberin, pinasok ng sekyu na si alyas “Jessie” ang bahay ng mga biktima na kanyang kapitbahay sa Alibangbang St., Brgy 179, Amparo, dakong alas-7:00 ng umaga habang armado ng kalibre .38 revolver at ginawang hostage ang tatlo.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Caloocan City Police sa pangunguna ni P/Col. Joey Goforth kung saan hiniling ng suspek na ibalik siya sa trabaho at payagan ding makauwi sa kanilang lalawigan sa Mindanao.

Tumagal ang pangho-hostage ng suspek sa mga biktima ng ala-1 ng hapon bago nakumbinsi ni Col. Goforth na pakawalan na ang mga biktima at siya na lamang ang ipalit na bihag.

Sumang-ayon naman umano ang suspek matapos pangakuan na ibibigay din ang kanyang kahilingan na get-away vehicle at isang armalite rifle.

Gayunman, nang papalabas na ang suspek para sumakay sa kanyang get-away vehicle, nakakuha ng tiyempo ang mga naka-civilian na miyembro ng SWAT team at kaagad siyang dinamba hanggang maagaw ang hawak na baril.

Ang hindi alam ng mga pulis, may patalim ring dala ang suspek kaya nagawang saksakin sa kamay ang pulis na umagaw ng baril na dahilan para siya barilin ng mga otoridad na tumama sa kanyang paa at likod.

Isinugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang sekyu, pati na ang yaya na nagkaroon ng pinsala sa katawan matapos sipain ng suspek pababa ng hagdan bago pawalan at pulis na nasaksak sa kamay.  Dinala rin sa pagamutan si Col. Goforth na nakaramdam naman ng paninikip ng dibdib.

Inamin naman ng ina ng suspek sa pulisya na desperado ang kanyang anak dahil sinibak sa trabaho makaraang matuklasan na nagdadala siya ng ilegal na droga. (Richard Mesa)