• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 19, 2025
    Current time: October 19, 2025 9:01 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO nakalikom nang mahigit ₱22.5-B mula Enero hanggang Agosto 2025

INIULAT ng Land Transportation Office (LTO), sa patnubay ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, na nakalikom ito ng mahigit ₱22.5-B mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bunga ito ng mas pinaigting na pagpapatupad ng mga reporma, partikular sa proseso ng pagpaparehistro ng mga sasakyan at sa mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon para sa kaligtasan sa kalsada.

“Sa bilis ng ating buwanang koleksyon, nasa tamang direksyon tayo upang maabot ang ₱34-B na target para sa taong ito,” pahayag ni Asec. Mendoza.

Noong nakaraang taon, itinaas ni Asec. Mendoza ang target ng koleksyon kasunod ng pagpapatupad ng mga reporma upang mapabuti ang serbisyo at mapalaki pa ang kita ng ahensya.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas mataas na koleksyon dahil ang pondong naipapasok sa National Treasury ay ginagamit sa iba’t ibang programa at proyekto ng pamahalaan, lalo na sa mga programang nakatuon sa kapakanan ng mga kapus-palad.

Pinuri rin ni Asec. Mendoza ang masigasig na pagtatrabaho ng mga kawani ng LTO sa iba’t ibang frontline services ng ahensya, na aniya ay malaking bahagi ng matagumpay na koleksyon.

“Ito ay dahil din sa ating masisipag na kawani sa frontline. Lubos akong nagpapasalamat sa kanilang serbisyo para sa LTO at para sa sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Mula nang maupo siya bilang pinuno ng LTO, agad na tinutukan ni Asec. Mendoza ang usapin ng contractualization sa ahensya. Dahil dito, mas marami nang matagal nang naglilingkod sa LTO ang nabigyan ng regular na posisyon o plantilla.

Aniya, ang regularisasyon ay pagkilala at pasasalamat sa dedikasyon at kasipagan ng mga kawani ng LTO na nananatili sa job order scheme. Dagdag pa rito, layon din ng regularisasyon na itaas ang morale at kapakanan ng mga empleyado ng LTO.

Hinimok din ni Asec. Mendoza ang lahat ng kawani ng LTO na ipagpatuloy ang kanilang sipag at tiyaga upang makamit ang target na koleksyon sa 2025. (PAUL JOHN REYES)