Valenzuela LGU, magatatayo ng Panatag Water Catchment para mabawasan ang pagbaha
- Published on August 25, 2025
- by @peoplesbalita

Ang pagpupulong ay pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian na ginanap sa Alert Multi-purpose Center, kasunod ng naranasang matinding pagbaha sa lungsod na dala ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, at Emong na nagpalakas sa habagat na nakaapekto sa libo-lbong pamilya na dahilan upang magdeklara ang alkalde ng state of calamity.
Isa sa naging highlight ng programa ay ang kauna-unahang itatayo ng pamahalaang lungsod na Panatag Water Catchment Project sa Barangay Dalandanan na layuning resolbahin ang paulit-ulit na pagbaha sa kahabaan ng McArthur Highway.
Ayon Kay Mayor Wes, may haba itong 230 meters at lalim na 5.6 meters x 3 meters na kayang maglaman ng hanggang 3,000 cubic meters ng tubig-ulan at sa ibabaw nito ay itatayo naman ang 1.30-kilometer Valenzuela Bike Lane.
“Ang proyektong ito ay bunga ng masusing pag-aaral sa tulong ng mga eksperto, pananaliksik, at pangmatagalang disenyo. Umasa po kayo na tututukan natin ang construction nito upang masigurong mabilis na matatapos at matibay ang pagkakagawa ng pasilidad,” ani Mayor Wes.
Kabilang pa sa mga napagpulungan ang inilunsad na Tinig ng Barangay na direktang malalapitan ng mga residente upang ipaabot sa alkalde ang pagkabahala kapag sila’t binabaha, paglikha ng Task Force Kalinisan at Oplan Balik Linis Ganda at patuloy na pagpapadami at rehabilitasyon ng mga pumping stations lalu na sa mga mabababang lugar.
Pumasok din sa isang kasunduan ang lokal na pamahalaan sa the University of the Philippines Resilience Institute at NOAH Center na pinangunahan naman ni UP president Atty. Angelo Jimenez at UPRI Executive Director Dr. Mahar Lagmay.
“Sisiguraduhin natin na kalidad ang gagamitin sa ating flood control projects, at hindi substandard. Hindi ito negosyo, ito ay para sa ikapapanatag ng bawat Pamilyang Valenzuelano. Long term solution, hindi band-aid solutions. Kasama kayo sa solusyon,” pagtiyak ng alkalde. (Richard Mesa)