PDEA-PNP JOINT OPS NAKATIMBOG NG 5 HIGH-VALUE TARGETS, MAHIGIT 1 KILO NG SHABU NAKUMPISKA
- Published on August 25, 2025
- by @peoplesbalita

Isinagawa ang tatlong (3) high-impact operations bilang bahagi ng pinaigting na drug-supply reduction efforts upang matulungan ang San Francisco na mapanatili ang drug-cleared status nito na unang iginawad noong Mayo 2022 at sumasailalim sa taunang beripikasyon.
Bandang 5:23 ng hapon noong Agosto 21, nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA Cebu Provincial Office, PDEA Regional Special Enforcement Team (RSET), PDEA Intelligence Operating Unit (IOU), Cebu Police Provincial Office–Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at San Francisco Municipal Police Station sa Sitio Matab-ang, Barangay Sonog. Narekober dito ang anim (6) na pakete ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 505 gramo at buy-bust money.
Naaresto ang subject ng operasyon na kinilalang si alyas Renmar, 30, walang trabaho, residente ng Barangay Sta. Cruz, San Francisco. Nakaligtas naman ang kasama niyang si alyas Regan, na kabilang sa regional target-listed personalities.
Dakong 10:14 ng gabi, isa pang buy-bust operation ang isinagawa sa Barangay Santa Cruz kung saan nasamsam ang walong (8) pakete ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 515 gramo.
Naaresto sina alyas Ronel, 40, walang trabaho, mula Barangay Villahermosa, Tudela, Cebu, at si alyas John, 22, isang regional target-listed personality mula Barangay San Isidro, San Francisco.
Sa sumunod na operasyon bandang 1:12 ng madaling araw noong Agosto 22 sa Barangay San Isidro, dalawang (2) pakete ng shabu na tumitimbang ng tinatayang 105 gramo ang nakumpiska. Naaresto ang subject na si alyas Ricardo, 53, walang trabaho, at ang kanyang kasabwat na si alyas Jay, 20, kapwa residente ng Barangay San Isidro.
Alinsunod sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, ang pagbebenta ng ilegal na droga ay may pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multang mula ₱500,000 hanggang ₱1 milyon.
Ang patuloy na pagsasagawa ng anti-illegal drug operations sa mga drug-cleared barangay ay mahalagang bahagi ng Barangay Drug Clearing Program (BDCP) upang matiyak na agad na natutugunan ang mga bagong tukoy na drug personalities at mga nagbabalik sa ilegal na droga.
Kaagapay ang pamahalaang bayan ng San Francisco, nakatakdang isagawa ngayong buwan ang isang BDCP reorientation seminar at validation activity upang suriin ang pagpapatuloy at pagpapanatili ng mga programa ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs). (PAUL JOHN REYES)