Kelot na bibili ng cellphone, kinuyog ng 3 vendors
PINAGTULUNGANG kuyugin ng tatlong vendors ang isa nilang parokyano nang humiling ito na kuhanan muna sila ng larawan bago bumili ng cellular phone sa Caloocan City.
Napag-alaman na bibili sana ng cellphone ang biktimang si alyas "Jonard", nasa hustong, residente ng Munoz sa mga suspek na may puwesto ng tindahan sa gilid lang ng Bus Carousel Station sa EDSA Monumento pasado alas-8 ng umaga pero hiniling muna niya na kuhanan ng litrato ang mga vendor upang makikilala pa rin niya kung sakali na masira kaagad ang bibilhing gadget.
Hindi umano pumayag ang mga vendor na nauwi sa pagtatalo hanggang pagtulungan ng gulpihin at pagpapaluin ng monoblock chair ang biktima na nagawa pang makatakbo bago tuluyang humandusay.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ng ambulansiya ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa pagamutan ang biktima para lapatan ng kaukulang lunas.
Ipinag-utos na ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa mga suspek. (Richard Mesa)