• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 3:53 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DPWH inamin ‘ghost’ flood projects sa Bulacan

KINUMPIRMA ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ang pagkakaroon ng “ghost” flood control projects sa ilang distrito ng Bulacan at sinasabing nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa nasabing isyu.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nakatanggap siya ng mga ulat ng ghost projects sa Calumpit, Malolos, at Hagonoy.
Sinabi ng DPWH chief na may kahalintulad na impormasyon silang natanggap at maglalabas sila ng financial at physical report.
Base sa impormasyong nakuha ni Estrada, ang contractor sa likod ng “ghost” flood control projects sa Bulacan ay ang Wawao Builders.
Isa ito sa 15 kum­panya na naunang tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng karamihan sa mga kontrata sa pagkontrol sa baha ng gobyerno.
Samantala, sinabi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na dapat ilabas ang listahan ng mga mambabatas na nagsulong ng mga palpak na proyekto ng gobyerno.
“Kaya for three years na wala yung legacy projects ng ating Pangulo. Dahil nga, siguro there was a free hand and we’re all guilty – both House and the Senate. So I think ‘wag na tayong mag santo-santo dito. Ilabas na natin yung listahan. Sino ba nag-amend nyan? Tapos depensahan ng Kongresman o Senador sa Luneta kung kaya nyang depensahan bakit nya nilagay dun,” ani Zubiri.
Tinawag naman ni Sen. Erwin Tulfo na “pagnanakaw to the max” ang nakukuhang komis­yon at kickback ng mga kontraktor at ilang tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“P545.64 billion pesos of flood control. This is nothing less than a grand robbery of our nation. Sa salitang kal­ye, ‘pagnanakaw to the max’,” pahayag ni Tulfo.
Ayon pa kay Tulfo, bago pa magawa ang isang proyekto, hinihingi­an na umano ng ilang politiko ng 20-25 percent na komisyon ang mga kontratista. Ito aniya ang dahilan kung bakit substandard o palpak ang mga proyekto at karamihan ay “ghost projects” na.