• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, binasura ang akusasyon ng Tsina sa kanyang pahayag

BINASURA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang akusasyon ng Tsina sa kanyang pahayag sa Taiwan conflict ay katumbas at malinaw na “playing with fire.”

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos sa panayam sa kanya sa India na hindi makaiiwas ang bansa sakaling magkaroon ng gulo sa Taiwan Strait dahil sa geographic location at presensya ng nasa 200,000 na mga Filipino workers.

Sa press conference sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes, dinepensahan ni Pangulong Marcos ang kanyang naging pahayag habang siya ay nasa state visit sa India noong nakaraang linggo, sinabi pa nito na sumusunod ang Pilipinas sa One-China policy, pero may obligasyon din ang bansa na depensahan ang teritoryo at soberanya nito.

Tinukoy ng Pangulo ang geographic proximity ng bansa at ang presensiya ng libo-libong manggagawang Filipino sa self-ruled island. Ang pahayag na ito ng Pangulo ay ikinagalit ng Tsina.

“I don’t know what they are talking about. Playing with fire? I was just stating facts. We do not want to go to war,” ayon kay Pangulong Marcos.

Binigyang diin ng Pangulo na hindi maiiwasan na madawit ang Pilipinas kapag sumiklab ang giyera dahil sa Taiwan.

“But I think if there is a war over Taiwan, we will be drawn, hihilaan tayo sa ayaw at gusto natin. Kicking and screaming,” aniya pa rin.

Sa ulat, iginiit ng Ministry of Foreign Affairs ng China na ‘inalienable part’ o hindi mahihiwalay na bahagi ng China ang Taiwan.

Inaakusahan din nito ang Maynila na nagpapahina sa one-China principle, at patuloy daw na sinisira ang relasyon sa pagitan ng parehong bansa.

Mariing tinututulan umano ito ng China.

Dahil dito, nagpaabot na ng ‘serious protest’ ang Chinese Foreign Ministry sa embahada sa Pilipinas.

Samantala, nagpahayag naman si Pangulong Marcos na dapat na handa ang Pilipinas sa posibilidad na paga-atake ng Tsina sa Taiwan.

“Hope is not a plan. I hope it doesn’t happen. But if it does, we have to plan for it already,” ang sinabi ni Pangulong Marcos, binigyang-diin na ang prayoridad ay ang kaligtasan ng mga mamamayan at iwasan ang ‘spillover’ ng komprontasyon sa Philippine territory.

Sa kabilang dako, tinatayang may 160,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan, marami sa mga ito ay nagtatrabaho sa electronics factories at domestic work. (Daris Jose)