Kelot, huli sa baril sa search warrant sa Caloocan
- Published on August 11, 2025
- by @peoplesbalita
SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa bisa ng ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Caloocan Police OIC Chief P/Col. Joey Goforth, nakatanggap ng impormasyon ang Station Intelligence Section (SIS) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang 42-anyos na lalaki na residente ng Brgy. 177.
Nang makakuha ng kopya ng search warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 124, para sa paglabag sa R.A 10591, ay agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Goforth ang bahay ng suspek.
Sa harap ng mga saksi mula sa elected barangay opisyal at media representative, hinalughog ng mga operatiba ng SIS ang bahay ng suspek kung saan nasamsam nila ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng limang bala.
Nang walang naipakita ang suspek na mga dokumento na nagpapatunay ng pagmamay-ari niya ng natutang baril, inaresto siya ng mga pulis dakong alas-10 ng gabi.
Kasong paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)