Squad leader ng teroristang grupo na wanted sa Samar, nalambat sa CaloocanÂ
- Published on August 11, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang maligayang araw ng 50-anyos na squad leader ng Communist Terrorist Group (CTG) na wanted sa iba’t-ibang mga kasong kriminal sa Eastern Samar at Palawan nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio hinggil sa pinagtataguang lugar ng miyembro ng teroristang grupo sa lungsod na itinuturing na No. 1 Provincial Level Most Wanted Person sa Eastern Samar.
Agad ikinasa ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng NPD ang pagtugis sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-7 ng umaga sa Langit Road, Phase 7B, Brgy. 176 Bagong Silang.
Bitbit ng mga tauhan ng DSOU-NPD ang dalawang warrant of arrest na inilabas noong Abril 2008 at Disyembre 9, 2021 ng Regional Trial Court (RTC) ng Eastern Samar laban sa akusado para sa mga kasong murder at Direct Assault with Attempted Murder.
Naglaan ang korte ng piyansang P200,000 para sa kasong murder habang P72,000 naman sa kasong direct assault with attempted murder.
Lumabas sa rekord ng Crime Research and Analysis Section (CRAS) na nasangkot din ang akusado sa kasong attempted direct assault noong 2015 sa Eastern Samar at frustrated murder sa Palawan noong 2018,
Sinabi ni BGen. Protacio na mabibigat ang mga kasong kinasangkutan ng akusado na nagsisilbing banta sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)