SENIOR CITIZEN AT 3 IBA PA, HULI SA OPERASYON KONTRA DROGA NG PDEA SA GREENHILLS
- Published on August 11, 2025
- by @peoplesbalita
ARESTADO sa isang buy-bust operation ng PDEA sa isang mall sa Barangay Greenhills, San Juan City ang isang 63 taong gulang na babae na kinilala sa alyas na MAMI at 3 iba pa, noong Biyernes Agosto 8, 2025, kung saan nakumpiska ang tinatayang 200 gramo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu.
Ayon sa PDEA Bulacan Provincial Office, tatlong suspek pa ang nahuli na kasama ng senior citizen na kinilalang sina; alyas JON, 27 taong gulang; alyas LOU, 19 taong gulang; at alyas YAEL, 25 taong gulang.
Nakarekober ang mga operatiba ng dalawang plastic sachet na nakatali at naglalaman ng 200 gramo ng shabu, pati na rin ang marked money na ginamit ng undercover agent.
Ayon sa PDEA, si MAMI ay sangkot sa malawakang bentahan ng shabu sa San Juan City at mga karatig lugar sa probinsya ng Bulacan.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga ay ipapadala sa PDEA RO3 laboratory para sa forensic examination.
Ang magkasanib na operasyon ay kinabibilangan ng pagtutulungan mula sa PDEA Provincial Offices sa Bulacan at Bataan, PDEA NCR, at PNP Drug Enforcement Unit sa San Juan City.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong non-bailable sa ilalim ng seksyon 5 (pagbebenta ng mapanganib na droga) na may kaugnayan sa seksyon 26B (sabwatan para magbenta ng droga) ng Republic Act 9165. Ang seksyon 5 ay may parusang habang buhay na pagkabilanggo at multa na mula 5 daang libo hanggang 10 milyong piso. (PAUL JOHN REYES)