• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tatlong departamento ng gobyerno, pag-uusapan ang Lifeline Rate utilization

NAKATAKDANG talakayin ng Department of Energy (DOE) kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno ang pagsama sa mas maraming Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa Lifeline Rate program.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin, sa isinagawang post-State of the Nation Address (SONA) discussion sa San Juan City, araw ng Miyerkules na may 330,000 ng 4.5 million 4Ps beneficiaries ang kasalukuyang naka-enrol sa discounted power rate program.
Iniugnay ito ni Garin sa mga gulo sa paga-apply para sa subsidized electricity rate program, na sinadya para sa mga households na kumokunsumo ng mas mababa sa 100 kilowatt hours (kWh) kada taon.
At para mag-apply sa programa, ang kuwalipikadong power consumers ay kailangan na magsumite ng application forms sa kanilang distribution utility (DU), kasama ang identification card na may lagda at address na saklaw ng DU.
Samantala, kailangan namang kumuha ng non-4Ps beneficiaries ng sertipikasyon mula sa kanilang lokal na Social Welfare and Development Office (SWDO) na magpapatunay na kabilang sila sa sambahayan na mababa sa ‘poverty threshold.’
Sinabi pa ni Garin na maliban sa mga nasabing dokumento, kailangan din ng mga aplikante na gumastos para sa kanilang pamasahe papuntang DUs.
Ayon sa Kalihim, pag-uusapan ng DOE at National Electrification Administration (NEA) kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga paraan para awtomatiko isama ang mga 4Ps beneficiaries at iyong nasa Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) para sa program.
“So pag-u-usapan po naman ang sistema para mapalawak po ang coverage ng lifeline rate,” ang sinabi ni Garin.
Sa ika-apat na State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inanunsyo ng Chief Executive ang pagpapalawak ng Lifeline Rate para mas maraming pamilyang mababa ang kita, hindi lamang mga benepisyaryo ng 4Ps.
“Habang inaayos natin ang kumplikado nating sistema ng enerhiya sa bansa upang mai-pababa ang presyo, pinapalawig pa natin ang Lifeline Rate,” ani Pangulong Marcos.
“Bukod sa mga miyembro ng 4Ps, kasama na rin ngayon ang mga pamilyang nasa listahanan na maliit lamang ang kinikita at ang konsumo naman ay hindi lumalagpas sa ‘lifeline rate,”‘ dagdag pa niya.
Basta’t pasok sa itinakdang konsumo, maaari na rin silang makinabang sa diskwento sa kuryente.
“Kasama na rin ang mga pamilyang nasa listahan ng mga low-income earners na hindi lumalagpas sa lifeline rate,” ayon sa Pangulo.
Ipinapromote din ng gobyerno ang Net Metering Program na nagbibigay-daan sa mga kabahayan na gumamit ng renewable energy gaya ng solar panels upang makatipid sa kuryente.
Samantala, ang Lifeline Rate ay isang subsidized rate para sa mga kwalipikadong mahihirap na pamilya, at isa lamang service account kada household ang pinapayagang makinabang. ( Daris Jose)