• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kelot, kulong sa baril sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 25-anyos na kelot matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril sa ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station (SS2) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril si alyas “Jokwa” kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.
Nang makakuha sila ng kopya ng search warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 124 para sa paglabag sa R.A 10591, agad sinalakay ng mga tauhan ni Col. Goforth ang bahay ng suspek.
Sa harap ng mga witnessed mula sa elected barangay official at media representative, hinalughog ng mga tauhan ng SS2 ang bahay ng suspek sa Brgy., 120 kung saan nakuha nila ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Nang walang naipakita na mga dokumento hinggil sa ligaledad ng naturang baril, inaresto ng mga pulis ang suspek dakong ala-1:20 ng hapon.
Ayon sa pulisya, sasampahan nila ang suspek ng kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang kasipagan at professionalism ng arresting teams na binibigyang-diin ang kanilang hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)