NHA, NAGBIGAY NG TULONG PINANSYAL PARA SA MGA PAMILYANG NAGING BIKTIMA NG KALAMIDAD
- Published on August 4, 2025
- by @peoplesbalita
NAMAHAGI ang National Housing Authority (NHA) ng P200,000 Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa 20 pamilyang naging biktima ng kalamidad, sa katatapos lang na “LAB for All” Caravan sa Malabon Sports Complex.
Bilang patuloy na tugon sa pangangailangan ng publiko, pinangunahan ni General Manager Joeben A. Tai ang delegasyon ng NHA sa pamamahagi ng paunang tulong. Binigyang-diin din ni GM Tai ang agarang pagbibigay ng ahensya ng mas malawak na paglingap kapag natapos na ang pangongolekta ng datos mula sa lokal na pamahalaan.
Alinsunod sa bisyon ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang inisyatiba ay nagpapakita ng dedikasyon ng NHA na maghatid ng mabilis at naaayong tulong patungkol sa pabahay, upang masiguro na walang pamilyang Pilipino ang maiiwan sa panahon ng kalamidad.
Naglatag din ang NHA ng housing assistance desk sa caravan upang tumugon sa mga katanungan tungkol sa mga programang pabahay, mga alalahanin sa pagbabayad at maging ang eligibility requirements upang ma-avail ang iba’t ibang serbisyo ng ahensya.
Ang pamamahagi ng EHAP ay bahagi ng LAB for All: Laboratoryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat program ni First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos, na naglalayon na pagsama-samahin ang mahahalagang serbisyo ng gobyerno, kabilang ang tulong medikal, panlipunan, at pangkabuhayan.
Highlight din ang “On Wheels Assistance for the MalabueƱos”, na isang local initiative ng Malabon City na naglalayong magbigay ng mobile access sa mahahalagang serbisyo ng lungsod.
Naging matagumpay ang kaganapan dahil na rin sa suporta mula sa iba’t ibang national at local agencies, na kinabibilangan nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Secretary Jose Francisco Benitez, Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, at Dr. Charlie Ho ng Integrated Philippine Association of Optometrists. Malugod silang tinanggap ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, na naging co-host ng caravan.
Dumalo rin ang iba pang ahensya tulad ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), Department of Migrant Workers (DMW), Land Transportation Office (LTO), Senate Public Assistance Office, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Development Bank of the Philippines (DBP), GoNegosyo, at iba pa mula sa pribadong sektor. (PAUL JOHN REYES)