• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Hindi dapat padalos-dalos sa pagdedesisyon:  Pagwalis sa online gambling, inaaral pa- Malakanyang

WALANG nakikitang dahilan ang Malakanyang para magpadalos-dalos sa pag-aksyon o pagbibigay ng bagong polisiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ukol sa magiging kapalaran ng kontrobersiyal na online gambling.
Sa ngayon ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay inaaral pang mabuti ng Pangulo ang magiging epekto sa bayan kung aalisin ang online gambling o hindi.
“As of now, maganda po kasi huwag tayo masyadong magpadalus-dalos. Minsan kasi nakikita natin ano ba iyong isinisigaw ng taumbayan pero iyong iba hindi pa po inaaral nang mabuti kung ano ba iyong magiging effect nito sa bayan,” ayon kay Castro.
Dapat din aniya munang malaman kung saan ba nanggagaling iyong kamalian. Kung sa licensed online gambling app o sa mga hindi lisensiyado?
“So, dapat malaman natin saan ba nagugumon ang ating mga kababayan sa sugal – doon ba sa mga iligal na gambling app?,” ang winika pa ni Castro.
“Example na lamang po natin recently alam natin ang e-sabong wala na, ang e-sabong noon nakakapagbigay ng revenue, ng tulong sa pamahalaan. Noong tinanggal po iyan definitely wala na pero bakit may e-sabong? So, sino ang nakikinabang sa iligal na sabong ngayon? Bakit isa pang mambabatas ang nakitaan natin na siyang nagpatunay na mayroon pang e-sabong?,” aniya pa rin.
“So, dapat ito aralin mabuti ano ba ang dapat gawin dahil kapag nga tinanggal natin talaga agad-agad ang online gambling at maapektuhan naman iyong ibang mga lisensiyado, makakaapekto ba ito sa tulong sa bayan, sa tulong sa mga estudyante, sa tulong sa mga Pilipino,” ang winika ni Castro.
Kaya nga aniya hindi puwedeng mag-padalus-dalos ang Pangulo sa usaping ito.
“Dapat aralin po dahil sa totoo lamang po ang mga revenue po na ibinibigay ng lisensiyado na online gambling ay nakakapagbigay talaga ng tulong sa mamamayan,” ang sinabi ni Castro.
“So, dapat pong aralin at hindi po dapat na ora-orada at mag-uutos agad na tanggalin agad iyan, dapat inaaral po iyan. Iyan ganiyan po kasi ang gusto ng Pangulo inaaral bago magpadalus-dalos sa aksiyon,” aniya pa rin. ( Daris Jose)