Kelot na wanted sa anti-hazing act sa Valenzuela, isinelda
- Published on August 2, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang isang lalaki na akusado sa anti-hazing act nang matunton ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Iniutos ni Valenzuela police chief P/Col. Gerson Bisayas sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa 26-anyos na akusadong si alyas “Boy” na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Valenzuela CPS.
Sa ikinasang manhunt operation ng mga operatiba ng Valenzuela Police Warrant and Subpoena Section (WSS), naaresto ang akusado dakong alas-10:50 ng umaga.
Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 na inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court, Branch 172, noong July 17, 2025, na walang inirekomendang piyansa.
Bilang pagsunod sa mahigpit na protocols ng PNP, gumamit ang operating team ng Body-Worn Camera (BWC) sa panahon ng pag-aresto sa akusado.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail sa lungsod. (Richard Mesa)