Teenager, kalaboso sa anti-rape law sa Valenzuela
- Published on August 2, 2025
- by @peoplesbalita
BINITBIT sa selda ang 19-anyos na teenager na wanted sa kasong paglabag sa anti-rape law matapos matimbog ng pulisya sa manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Gerson Bisayas ang pagtugis sa akusadong si alyas “Patrick” matapos mapag-alaman na kabilang ito sa kanilang talaan ng mga Most Wanted Person.
Dakong alas-5:40 ng hapon nang tuluyang masukol ng tumutugis na mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS ang akusado sa Brgy. Punturin.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni Col. Bisayas ang warrant of arrest para sa paglabag sa Section 5 (B) of R.A. 7610 as amended by R.A. 11648 – The Anti-Rape Law of 1997 na inisyu ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City, noong June 28, 2025.
Ayon kay Col. Bisayas, may inirekomenda namang piyansa ang korte na halagang P180,000.00 para sa pansamantalang paglaya ng akusado na ipiniit muna sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni P/BGen. Jerry Protacio, Acting District Director ng Northern Police District, ang Valenzuela CPS sa kanilang pagsisikap at pangako sa katarungan at kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)