• April 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ngayong Agosto, Setyembre:  PBBM, nagdeklara ng special non-working day sa 5 lugar 

IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na special non-working day sa apat na munisipalidad at isang lungsod sa Luzon at Visayas para payagan ang mga residente na makiisa sa kanilang ‘commemorative events.’
Sa katunayan, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, noong Hulyo 18, ang lahat ng proklamasyon na nagdedeklara ng holidays.
Sa ilalim ng Proclamation No. 977, idineklara ang Agosto 4 bilang special non-working day sa San Pascual, Batangas sa pagdiriwang ng founding anniversary ng munisipalidad.
Idineklara rin ang special non-working day sa Bayombong, Nueva Vizcaya sa Agosto 8 upang ipagdiwang ang kapistahan ng bayan, gaya ng nakasaad sa Proclamation No. 978.
Sa kabilang dako, nakasaad naman sa Proclamation No. 979 na special non-working day sa darating na Agosto 12 sa Candoni, Negros Occidental para ipagdiwang ang 64th founding anniversary ng munisipalidad.
Special non-working day din ang idineklara ng Malakanyang sa Tuguegarao City, Cagayan sa darating na Agosto 15 upang magawa ng mga residente na makapagartisipa sa Pavvulurun Afi Festival, gaya ng nakasaad sa Proclamation No. 980.
Sa ilalim naman ng Proclamation No. 981, idineklara ng Malakanyang ang Setyembre 16 bilang special non-working day sa Piddig, Ilocos Norte upang bigyan ng pagkakatoan ang mga residente na gunitain ang makasaysayang Basi Revolt of 1807.
Ang Basi Revolt of 1807 ay isang protesta laban sa monopolya ng Spanish colonial government sa basi (sugarcane wine) produksyon at kalakalan. ( Daris Jose)